Maanomalyang gastos sa SEA Games, binatikos

UMANI NG KABI-KABILANG batikos ang napalaking gastos sa pagtatayo ng monumento para sa ika-30 Southeast Asia (SEA) Games na magbubukas sa Nobyembre 30.

Nagkakahalaga ng ₱50 milyon ang naturang monumento, na pakantyaw na tinaguriang “Kaldero ni Cayetano.” Ipinangalan ito kay Rep. Allan Peter Cayetano, tagapangulo ng Philippine SEA Games Organizing Committee na nangangasiwa sa palaro.

Ang P50 milyon na ginamit sa pagpapatayo ng monumento ay bahagi ng ₱11 bilyong pondo na inutang ng Pilipinas mula sa isang bangko sa Malaysia para itayo ang pasilidad pang-isports sa New Clark City. Nakasaad sa kontrata nito na ginagarantiya ng estado ang ₱2.5 bilyong direktang pakinabang ng kumpanya. Mapupunta rin sa kumpanya ang 50% ng kita ng pasilidad sa susunod na 25 taon.