20 sundalo, kaswalti sa mga opensiba ng BHB

SIYAM ANG PATAY at 11 ang sugatan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga opensibang militar na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Masbate, Quezon at Bukidnon simula Oktubre 8 hanggang Oktubre 19.

Magkasabay na pinaputukan ng mga yunit ng BHB-Masbate ang magkakahiwalay na mga pwersa ng 2nd IB sa Sityo Poro, Barangay Talisay, San Fernando, Masbate noong Oktubre 12. Dalawa ang patay at anim ang sugatan sa mga sundalo.

Matagal nang nananalasa ang mga “peace and development team” ng 2nd IB sa mga barangay ng San Fernando. Winawasak nito ang kabuhayan ng mga residente. Tatlong sibilyan naman ang marahas na pinaslang sa Barangay Liong at Buenavista.

Noong Oktubre 17, pinasabugan ng isang yunit ng BHB-Quezon ang nagpapatrulyang mga tropa ng 85th IB sa Sityo Catulin, Barangay Suha, Catanauan, Quezon. Hindi bababa sa anim ang patay sa hanay ng mga sundalo. Samantala, isa ang patay na sundalo sa operasyong isnayp na inilunsad ng BHB sa Barangay Abu-abo, Mauban noong Oktubre 8.

Sa Bukidnon, limang sundalo ang naiulat na kaswalti nang pasabugan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong tropa ng 401st Ibde sa Sityo Mahan-aw, Barangay Bulonay, Impasug-ong. Isinagawa ng BHB-Bukidnon ang pag-atake noong Oktubre 19 sa alas-10 ng umaga.