Mga kriminal, pinalaya ng rehimeng Duterte

MAHIGIT 1,700 kriminal na nahatulan sa karumal-dumal na mga krimen ang pinalaya ng rehimeng Duterte sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Isinasaad sa batas ng GCTA na maaaring makalaya nang mas maaga ang mga bilanggo, kahit yaong hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo, kapag magpakita ang mga ito ng maayos na ugali.

Nalantad ang iskemang ito nang bumuhos ang galit ng mamamayan, laluna ng mga kaanak ng biktima, sa balitang palalayain si Antonio Sanchez, dating meyor ng Calauan, Laguna. Hinatulang nagkasala si Sanchez ng panggagahasa at pagpaslang kay Eileen Sarmenta at kaibigan niyang si Alan Gomez at pagpatay sa mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.

Higit pang ikinagalit ng mamamayan ang direktang pag-endorso ng alipures ni Duterte na si Sal Panelo sa pagpapalaya kay Sanchez sa Bureau of Pardons and Parole. Kabilang si Panelo sa mga abugado ng pamilyang Sanchez sa kanyang kasong panggagahasa at pagpaslang.
Upang isalba ang kanyang rehimen, sinibak ni Duterte ang komisyuner ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Nicanor Faeldon. Una nang nasibak si Faeldon sa Bureau of Customs dulot ng ismagling ng shabu.

Mayorya ng pinalaya sa ilalim ng rehimeng Duterte ay mga manggagahasa at mamamatay-tao. Liban kay Sanchez, pinalaya rin nito ang apat sa pitong sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa magkapatid na Chiong sa Cebu noong 1997.

Ang batas na GCTA ay naipasa sa ilalim ng rehimeng Benigno Aquino III noong 2013.