Ang Bayan
May 21, 2019

Piket ng mga manggagawa ng Holcim, inatake

Share and help us bring this article to more readers.

INATAKE NG MGA hindi nakilalang mga lalaki ang piket ng mga manggagawa ng Holcim Philippines Inc. sa harap ng planta ng kumpanya sa Davao City noong Mayo 1. Higit dalawampung lalaking nakabonet na may dalang mga patalim ang dumagsa sa piket. Pinagbabaklas nila ang mga balatengga at plakard ng Davao Holcim Employees Workers Union.
Nakapiket ang mga manggagawa simula pa Marso 4, matapos iligal na tanggalin ang 100 manggagawa nito. Ayon sa mga manggagawa, tanging ang pamunuan lamang ng Holcim ang makakagawa nito.
Nitong Mayo, binili ng First Stronghold Cement Industries Inc, isang subsidyaryo ng San Miguel Corporation (SMC), ang Holcim sa halagang $2.15 bilyon. Ang SMC ay pinatatakbo at pagmamay-ari ng mga kumprador na sina Ramon Ang at Eduardo Cojuangco. Pinalalakas ng SMC ang negosyo nito sa semento at konstruksyon para pakinabangan ang programang ‘Build, Build, Build’ ng rehimeng Duterte.
Ang Holcim Philippines ay dating subsidyaryo ng LafargeHolcim Ltd., isang kumpanyang Swiss. Sa unang tatlong buwan ng 2019, kumita ito ng ₱703.86 milyon, mas malaki sa dating ₱699.89 milyon sa 2018. May apat na planta at isang grinding mill ng semento ang kumpanya.

AB (2019-05-21): Piket ng mga manggagawa ng Holcim, inatake