#LabanBayan, protesta kontra dayaan

HIGIT 2000 ANG nagmartsa patungong Philippine International Convention Center (PICC) kung saan isinagawa ang bilangan ng 2019 eleksyong midterm noong Mayo 17. Nagkaisa ang sektor ng kabataan, kababaihan, taong simbahan at iba pa sa pangunguna ng grupong Kontra Daya at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para kundenahin ang dayaan at karahasan sa eleksyon.
Higit pitong oras na naantala ang paglalabas ng Commission on Elections (Comelec) ng mga paunang bilang ng boto noong gabi ng Mayo 13, araw ng eleksyon. Kaakibat pa nito ang 1665 SD card na hindi gumana at kinailangang palitan sa mismong araw. Gayundin ang 961 makina sa pagboto na nagloko at hindi tumanggap ng balota.
Lantaran ang pakikialam ng paksyon ni Duterte at ng militar at pulis sa naganap na eleksyon. Ilang araw bago ang halalan, sunud-sunod ang naging pag-atake sa mga progresibong partido at mga kasapi nito. Walang ampat ang pagbabansag sa mga partido bilang mga grupong terorista. Pinakamatindi ang mga kaso ng pananakot sa Mindanao na nakapailalim sa batas militar.
Parehong mga protesta ang inilunsad sa mga syudad ng Quezon, Baguio, Naga at Tacloban at sa mga prubinsya ng La Union, Bohol at Iloilo. Bago nito, dalawang magkasunod na rali ang inilunsad ng mga pambansa demokratikong grupo sa pambansang kabisera.

IKA-12 ARAW NG MANGYAN. Nagtipon ang pitong tribo ng mga Mangyan sa Calapan, Mindoro Oriental noong Mayo 10 para ipagdiwang ang Araw ng Mangyan 2019. Nagbuklod ang mga tribo sa temang “Mangyan, Magkaisa para sa Lupang Ninuno, Kalikasan, Kabuhayan at Malinis na Halalan!” sa ika-12 taon ng Araw ng Mangyan.
Inihapag ng mga Mangyan ang mga suliranin sa kabuhayan, lupang ninuno at militarisasyon at pananakot ng mga armadong elemento ng estado sa kanilang hanay. Noong Mayo 9, hinarang ang delegasyon ng Bongabong ng tatlong sasakyan ng mga pulis. Nagtapos ang pagdiriwang sa paglulunsad ng isang karaban.

PIKET KONTRA CRPIP. Nagtipon ang mga katutubong Igorot sa harapan ng pangrehiyong upisina ng National Economic and Development Authority sa Baguio City noong Mayo 7. Kasabay ito ng pagpupulong ng mga katutubong apektado ng proyekto at mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) kaugnay ng Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP).
Sa mga sumunod na araw, naglabas ng desisyon ang direktor ng NCIP Cordillera na si Ronald Calde na pansamantalang ipinatitigil ang konstruksyon ng CRPIP sa Pinukpuk, Kalinga dahil wala pang nakukuhang Free, Prior and Informed Consent mula sa mga katutubo. Pansamantalang ipinalilipat ang konstruksyon sa bahaging Cagayan.

ARAW NG MANGGAGAWA SA KALUSUGAN. Nagtipon sa Maynila ang mga manggagawa sa kalusugan mula sa mga pribado at pampublikong ospital noong Mayo 7 para gunitain ang Araw ng mga Manggagawa sa Kalusugan. Dito, ipinanawagan ng Alliance of Health Workers ang pagpapatupad ng ₱16,000 pambansang minimum sa mga pampublikong empleyado, ₱750 kada araw para sa mga pribadong empleyado at ₱30,000 para paunang sahod ng mga nars. Itinutulak din ng grupo ang pagpapabasura sa kontraktwalisasyon sa kanilang hanay.