Kalbaryo ng Mamamayan

Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Kilusang Mayo Uno (KMU), nagrali ang ilandaang progresibo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Abril 12. Tinaguriang “Kalbaryo ng Mamamayan,” inilarawan ng protesta ang kahirapang nararanasan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.

Pinatampok sa pagkilos ang panawagang hustisya para sa Negros 14, pagbasura sa batas na TRAIN at paglaban ng mamamayan sa ambisyon ni Duterte na magtatag ng pasistang diktadura. Kaparehong protesta ang inilunsad sa Iloilo City at Kabankalan City noong Abril 11. Tinawag itong “Kalbaryo sang Pumuluyong Pilipino 2019.”

Noong Abril 17, naglunsad ng piket ang mga kasapi ng Anakpawis sa harapan ng Camp Crame sa Quezon City. Ikinumpara nito ang krus sa malawakang pamamaslang at pahirap na batas na TRAIN na pinapasan ngayon at nagpapahirap sa mga maralita.

Sa Bukidnon, daan-daang Lumad at magsasaka ang naglunsad ng “Kampuhan sa Kabus batok sa Balaod Militar” (Kampuhan ng Maralita laban sa Batas Militar) noong Abril 9 sa Valencia City. Target nilang pumunta sa Cagayan de Oro City kung saan nakakampo ang iba pang mga Lumad at magsasakang napalayas sa mga komunidad dulot ng militarisasyon. Hinarang sila ng mga sundalo sa tsekpoynt sa Manolo Fortich at pinigilang dumiretso.