Ang Bayan
March 21, 2019

Presyo ng langis, patuloy na sumisirit

NAGTAASAN ANG PRESYO ng mga produktong petrolyo sa lokal na pamilihan sa loob ng anim na magkakasunod na linggo. Noong huling linggo ng Pebrero, umabot na sa P43.44/litro ang presyo ng diesel, P52.69/litro ang gasolina, at P51.09/litro ang kerosene.

Bukod sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan (pagtaas nang $22.25/bariles sa presyo ng diesel, at $18.50/bariles sa gasolina mula Enero hanggang Pebrero 2019) at ang paghina ng piso kontra dolyar (nang P0.59 sa parehong panahon), nananatiling isa sa mga pangunahing salik sa pagtaas ng presyo ng krudo sa lokal na pamilihan ang dagdag na buwis na ipinataw ng rehimen sa ilalim ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion).

Sa kabuuan, mula nang ipatupad ang nasabing batas noong nakaraang taon, tumaas nang P8.54/litro ang presyo ng diesel, P7.19/litro ang gasolina, at P6.42/litro ang kerosene sa Metro Manila. Kung paggalaw lamang ng presyo sa pandaigdigang pamilihan at ang pagbaba ng halaga ng piso ang pagbabatayan, babagsak ang presyo ng diesel tungong P38.40/litro at ng gasolina tungong P48.60/litro. Nananatiling mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa ipinataw na buwis na P3.50/litro sa presyo ng diesel at P3.10 sa gasolina alinsunod sa batas na TRAIN.

Kung susumahin ang epekto ng ipinataw na buwis ng TRAIN at ang dati nang value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, lumilitaw na nadagdagan ang presyo ng diesel nang P5.04/litro, gasolina nang P4.90/litro, at kerosene nang P4.48/litro mula nang ipatupad ang batas noong nakaraang taon.

Ayon sa Ibon Foundation, pinakamalakas ang hambalos ng pasaning buwis na ito sa mahihirap dahil napakababa na at hindi nakabubuhay ang kanilang kita. Hinamon ng Ibon ang rehimen na pansamantalang suspendihin ang mga ipinataw na buwis sa langis ng TRAIN at buhayin ang papel nito sa pagtatakda ng presyo ng langis sa lokal na pamilihan.