Ang Bayan
March 21, 2019

Mga manggagawa, pinilit magbitiw sa trabaho

SAPILITANG PINAPIRMA NG mga elemento ng 71st IB ang 153 manggagawa ng Musahamat Farms sa Pantukan, Compostela Valley para palabasing nagbitiw sila sa kanilang mga trabaho noong Marso 8. Kabilang sa mga pwersahang pinagbitiw ang presidente at bise-presidente ng unyon na sina Esperidion Cabaltera at Richard Genabe, at sekretarya ng unyon na si Ronald Rosales. Bago nito, dinukot ng militar ang tatlo at tinortyur noong Pebrero 27.


Samantala, kinundena ng Concerned Artists of the Philippines ang iligal na pag-aresto ng mga pulis kay Alvin Fortaliza noong Marso 4 sa Guindulman, Bohol. Si Fortaliza ay lider ng Bol-anong Artista nga may Diwang Dagohoy (Bansiwag) Bohol Cultural Network at myembro ng Anakpawis Partylist. Nangangampanya siya sa palengke ng Guindulman nang arestuhin.

Mga estudyante ng UPLB nagwalk-out

LUMABAS SA KANILANG mga klase ang may 200 estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB), noong Marso 8 para iprotesta ang kawalang-aksyon ng administrasyon ng unibersidad sa kanilang mga hinaing. Kabilang dito ang presensya ng mga sundalo sa kampus, ang Red-tagging sa mga aktibista at mabagal na pagtanggap sa mga estudyanteng nahuli sa enrollment.
Kaugnay sa huli, dapat kilalanin ng unibersidad ang kahirapan ng maraming estudyante na agad na makabayad ng matrikula, dahilan kaya hindi agad nakapag-enroll ang karamihan ng 500 estudyante. Hindi lahat ng mga estudyante ay saklaw ng libreng matrikula, anila, kaya nananatili ang problema ng mataas na mga bayarin kahit sa mga pampublikong unibersidad.
Sa UP Diliman, kinundena ng mga estudyante ang pananakot ng isang ahente ng paniktik ng rehimen. Pinuntahan ng naturang ahente ang bahay ni Ralph Baguinon, tagapangulo ng konseho ng UP College of Engineering, at idinaan sa kanyang pamilya ang bantang siya ay papatayin.

Araw ng kababaihan, ginunita

GINUNITA SA IBA’T ibang bahagi ng Pilipinas ang Internasyunal na Araw ng Kababaihan noong Marso 8 sa pamamagitan ng pagsayaw at mga protesta.

Sa Metro Manila, daan-daang kababaihan at kanilang mga tagasuporta ang nagtipon sa harap ng Malacañang para batikusin ang macho-pasistang rehimeng US-Duterte at ipanawagan ang pagbasura ng kanyang mga patakarang anti-mamamayan. Pangunahin dito ang batas na TRAIN na dagdag na pasanin ng kababaihan.

Sa Baguio City, nagkaroon ng mga pagtitipon ang kababaihan kung saan ipinamalas nila ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsayaw. Sa Isabela, umabot sa 8,000 ang nagtipon para sa okasyon. Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kinatawan ng Gabriela Women’s Party.

Sa Aklan, daan-daan ang sumama sa pagtitipon. Nagkaroon din ng mga pagtitipon sa Davao City, Cagayan de Oro City at Bukidnon.