Ang Bayan
February 21, 2019

Bantang interbensyong militar ng US sa Venezuela, nilabanan

Humugos sa mga lansangan ang daanlibong mamamayang Venezuelan noong Pebrero 21 para batikusin at labanan ang banta ng tuwirang panghihimasok militar ng US sa tabing ng pagpapadala ng “makataong ayuda.” Pinakahuli ito sa serye ng mga mapanghimasok na hakbang ng imperyalistang US na naglalayong pabagsakin ang lehitimong gubyernong Bolivarian at iluklok sa kapangyarihan ang isang sunud-sunurang rehimen.

Ang hakbang na ito ay matapos mabigo ang tangkang pagpapatalsik kay Nicolas Maduro, presidente ng Venezuela, noong Enero 23. Bigo rin ang US at mga imperyalistang kaalyado nito na brasuhin ang mamamayang Venezuelan na balewalain si Maduro, at pwersahin siyang magpatawag ng eleksyon.

Aktibong nilabanan ng mamamayang Venezuelan ang samutsa-ring pakana ng US. Patuloy nilang sinusuportahan si Maduro na nangakong ipagpatuloy ang rebolusyong Bolivarian para sa pambansang kalayaan at isulong ang pamana ng yumaong lider na si Hugo Chavez. Bukod sa mga sanction, tinangka rin ng US ang asasinasyon kay Maduro noong nakaraang taon gamit ang mga drone na may dalang mga bomba. Kinilala ng US ang oposisyunistang si Guaido matapos ideklara ng huli ang sarili bilang “presidente” ng Venezuela.

Para gawing katanggap-tanggap, ginagamit ng US ang pagdadala ng 200 toneladang ayudang pagkain at ibang batayang pangangailangan sa hangganan ng Venezuela at Colombia bilang tabing ng agresyong militar. Sinuhayan ang planong ito ni Guaido at ng oligarkiyang Venezuelan.

Inilantad ng gubyernong Maduro ang pakana ng US at tinanggihan ang ayuda. Anito, nakatanggap na ang Venezuela ng ayudang umaabot sa 900 toneladang pagkain at gamot mula sa Russia, China at iba pang bansa. Inilantad din nito ang pakitang-taong pag-aalok ng ayuda ng Great Britain, France at Germany na kabilang sa mga nagpataw ng blokeyo sa ekonomya sa Venezuela para na gutumin at patayin ang mamamayan nito.

Sa ipinataw na panibagong sanction ng US at mga nabanggit na bansa, pinigilan ang PDVSA, ang pampublikong kumpanya ng langis, na kunin ang pag-aari nitong $7 bilyon na nakalagak sa dayuhang mga bangko. Dagdag dito, tinatayang malulugi nang hanggang $11 bilyon ang PDVSA dulot ng pagtigil ng US sa pag-angkat ng langis mula sa Venezuela. Dahil dito, apektado ang pag-aangkat ng gubyernong Venezuelan ng pagkain at gamot.

Matagal nang gustong palitan ng gubyernong Trump at ng malalaking kapitalistang Amerikano si Nicolas Maduro para kopoin ang masaklaw na rekurso nito sa langis. Inamin mismo ni US National Security Adviser John Bolton sa isang panayam sa Fox News na langis at hindi “pagtatanggol ng demokrasya” ang siyang tunay na layunin ng interbensyon ng US. Hayagan niyang sinabi na mas mainam kung mapalitan ang namumuno sa Venezuela para makapamuhunan doon ang mga kumpanyang Amerikano sa langis. Sa buong mundo, ang Venezuela ang may pinakamalaking reserbang langis, pang-apat sa gas, maliban pa sa ginto, coltan, diyamante, aluminum at bakal.

Kasaysayan ng interbensyon

Umaabot na sa 18 taon ang interbensyon ng US sa Venezuela. Mainit ang mata ng US sa Venezuela dahil sa pananaig dito ng anti-imperyalistang gubyerno mula 2002, nang maupo si Hugo Chavez bilang presidente. Ang laganap na krisis sa mundo na dulot ng mga patakarang neoliberal ay lumikha ng kundisyon para kumalat ang diwang Bolivarian sa Argentina, Brazil, Ecuador, Bolivia at Honduras, mga bansa sa Latin America, isang rehiyon na nais ituring ng US na kanyang “bakuran.”

Isa sa mga unang hakbang ni Chavez ay ang pagsasabansa ng pangunahing kumpanya sa langis. Ginamit niya ang kita nito upang pondohan ang mga panlipunang programa kabilang ang libreng pabahay, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Bago pa man nito, galit na ang US kay Chavez. Noong maglunsad ang gubyerno ng nakababatang Bush ng pandaigdigang kampanya laban sa terorismo, hindi sumunod si Chavez sa dikta ng US. Tahasang sinabi niya sa Washington na hindi matatalo ang terorismo sa paggamit ng terorismo. Pinalaganap din ni Chavez ang diwang Bolivarian sa loob ng militar, gamit ang katayuan niya bilang dating upisyal militar. Sa gayon, napahina niya ang kakayahan ng US na mag-udyok o mag-organisa ng mga kudeta sa bansa.

Ilang ulit nang tinangka ng US na pabagsakin ang rehimeng Bolivarian sa Venezuela. Nabigo ito noong Abril 2002 nang magapi sa loob ng 24 oras ang sinuportahan nitong kudeta. Isang “petroleum lock out” naman ang anyo ng pangalawang tangkang kudeta. Subalit muli itong nabigo nang magkaisa ang mga mangagawa sa langis at ang mga eksporter ng langis sa ibayong dagat. Ang ikatlong pagkakataon ay sinimulan noong isang taon nang pilit na sinisiraan ang isinagawang eleksyon sa Venezuela kung saan nakakuha ng ikalawang tagumpay sa halalan si Maduro. Sa kabilang banda, kinilalang “lehitimo” ng US ang tangkang kudeta ni Guaido at sinuportahan ang panawagan niya para sa pag-aalsa.

Agresibong itinutulak ngayon ng gubyernong Trump ang panghihimasok sa Venezuela sa harap ng mga kahirapang dinanas nito bunsod ng pagbagsak ng presyo ng langis. Pinalala ito ng pananabotahe sa ekonomya ng malalaking oligarkiya sa anyo ng pag-ipit sa suplay ng pagkain at iba pang batayang kalakal.

Ginagamit ngayon ng US ang ibang mga maka-Kanan at maka-US na nga gubyerno sa Brazil, Argentina, Ecuador, Peru at Chile para ipitin ang Venezuela