Ang Bayan
February 07, 2019

BOL, pinagtibay sa plebisito

Share and help us bring this article to more readers.

NAPAGTIBAY ANG BANGSAMORO Organic Law (BOL) sa plebisitong ginanap noong Enero 21 sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Alinsunod sa BOL, bubuuin sa ilalim ng GRP ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kapalit ng ARMM. Mapapabilang sa BARMM ang Cotabato City, gayundin ang ilang bayan ng North Cotabato habang tumanggi namang mapabilang dito ang buong Lanao del Norte.

Ang BOL ay batas na pinagtibay ng reaksyunaryong kongreso kasunod ng negosasyon sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Kasunod ng pagpapatibay sa BOL, bubuuin ang Bangsamoro Transition Authority na hihirangin ni Duterte at magsisilbing gubyerno sa BARMM. Hakbang-hakbang namang magdidisarma ang MILF matapos ideklarang tapos na ang gera.

Subalit ayon sa grupong Suara Bangsamoro, ang pagbubuo ng BARMM ay “di awtomatikong nangangahulugan na matatamo na ang matagalang kapayapaan sa lugar ng Bangsamoro” at “dapat ipagpatuloy ng mamamayang Moro ang paggigiit ng kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.”

Samantala, patuloy na pinaiigting ng AFP ang mga opensiba nito sa iba’t ibang bahagi ng Lanao at Maguindanao laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, na hindi sumuporta sa BOL. Ang mga opensibang ito ay nakatuon sa pagkontrol sa yamang rekurso ng Liguasan Marsh.

AB (2019-02-07): BOL, pinagtibay sa plebisito