Ang Bayan
October 21, 2018

9 na magsasaka, minasaker sa Negros

Share and help us bring this article to more readers.

Siyam ang patay, kabilang ang dalawang menor de edad at apat na babae, sa isang masaker sa Hacienda Nene, Purok Fire Tree, Barangay Bulanon, Sagay City, Negros Occidental, noong Oktubre 20.

Pinaulanan ng bala ng aabot sa 40 armadong lalaki ang mga magsasakang nagpapahinga bandang alas-9:30 ng gabi sa isang kubol sa nasabing asyenda. Kinilala ang mga napatay na sina Iglicerio Villegas, Angelipe Arsenal, at Morena Mendoza na mga residente ng Barangay Plaridel; at sina Peter Ras, Dodong Laurenio, at Bingbing Bantigue. Kasama rin sa napatay sina Joemarie Ughayon Jr., 17, taga-Barangay Rafaela Barrera, at Marchtel Sumicad, 17, taga-Purok Mahogany, Barangay Bulanon.

Batay sa mga ulat, halos lahat ng biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo. Tatlo sa mga biktima ay sinunog ang bangkay habang apat ang nakaligtas sa pamamaril.
Ang mga biktima ay kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) na nagsimula ng bungkalan o kolektibong pagsasaka sa lugar noong Oktubre 19. Ang lupa ay nasa loob ng 75-ektaryang asyenda na kinakamkam ng isang Atty. Barbara Tolentino, at inuupahan ng Conpinco Trading.

Ang nasabing asyenda ay mayroong “notice of coverage” mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), ngunit hindi pa sinisimulan ang pamamahagi dito.

Taun-taong inilulunsad ng mga magsasaka rito ang bungkalan mula 2008 upang makaraos sa “tiempo muerto” o patay na panahon sa pagitan ng anihan at muling pagtatanim ng tubo.

Sa isang pahayag, inilahad ng NFSW na ang mga lalaking bumaril sa mga magsasaka ay maaaring mga mersenaryong kasapi ng “Revolutionary Proletarian Army,” isang armadong grupo sa Negros na tumiwalag sa Partido Komunista ng Pilipinas noong 1993.

Binigyang-diin naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na hindi ito ang unang insidente ng pagpatay sa mga magsasaka sa Sagay City.

Noong Disyembre 21, 2017, pinatay sa saksak ng mga hinihinalang kasapi ng 12th IB-CAFGU si Flora Jemola, tagapangulo ng NFSW-Sagay City. Noong Pebrero 21, binaril at napatay din ng mga hinihinalang kasapi ng CAFGU si Ronald Manlanat, kasapi ng NFSW sa Hacienda Joefred, Barangay General Luna.

Ayon sa pahayag ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, ang nasabing mga pagpatay ay direktang resulta ng kampanyang “red-tagging” ng AFP sa mga magsasaka sa Negros. Noong Abril 20, naglabas ng pekeng ulat si BGen. Eliezer Losanes, kumander ng 303rd IBde, na ang mga lupang binubungkal ng mga manggagawang bukid at magsasaka sa tubuhan sa Negros ay mga “komunal na sakahan” ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa kabuuan, 45 na ang napatay na magsasaka sa Negros Island sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Pagpatay. Isang magsasakang B’laan ang binaril at pinatay ng mga elemento ng 73rd IB sa Sityo Mahayag, Barangay Upper Suyan, Malapatan, Sarangani noong Oktubre 7, dakong alas-7 ng gabi.

Nakilala ang biktima bilang si Jimmy Ambat, na inaakusahan ng militar na kasapi ng BHB. Nasa kanilang bahay si Ambat kasama ang kanyang pamilya nang siya’y pinatay. Binaril siya nang sumaklolo sa kanyang pamangkin na noo’y binubugbog ng mga sundalo.
Noong Oktubre 15, pinatay ng mga hinihinalang elemento ng militar si Victor Villafranca, kasapi ng Haligi ng BatangueÒong Anakdagat (HABAGAT) sa Lian, Batangas. Aktibo si Villafranca sa kampanya laban sa pagpapalit-gamit ng lupa at militarisasyon sa kanilang lugar. Ayon sa Pamalakaya, si Villafranca ang ikaanim na mangingisdang pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Sa Albay, pinagbabaril ng mga elemento ng 22nd IB-CAFGU si Mario Pantoja Maritana, 40, noong Oktubre 2 ng umaga habang pauwi sa kanilang bahay sa Barangay DoÒa Mercedes, Guinobatan.

Sakay ng kanyang motor si Maritana mula sa paghatid ng kanyang anak sa paaralan sa kalapit na Barangay Malobago nang siya’y tambangan. Namatay si Maritana sa ospital makalipas ang dalawang araw.

Matagal nang pinagbibintangan ng militar ang biktima bilang tagasuporta ng BHB at sangkot umano sa ginanap na ambus ng BHB noong Setyembre laban sa 22nd IB-CAFGU sa kanilang barangay.

Sa katabing syudad ng Ligao, pinuntahan ng mga tauhan ng 22nd IB-CAFGU ang bahay ng magsasakang si Amador Orfano, 59, sa Barangay Pandan noong Oktubre 7, bandang alas-3 ng madaling araw.

Tinanong ng mga salarin si Orfano kung nasaan ang bahay ni Kagawad Grace Ocfemia. Matapos nito, pinagbabaril ang biktima at namatay.

Matapos ang krimen, tumungo ang mga salarin sa sunod na barangay ng Pinamaniquian at sinunog ang bahay ni Ocfemia.

Maliban dito, dalawa pang bahay ng pamilyang Quinalayo ang magkasunod na sinunog ng mga pasista sa parehong barangay noong Oktubre 14 at 16. Nagbanta pa ang 22nd IB-CAFGU na susunugin nila ang lahat ng bahay sa lugar.

Pambubuwag. Lapimpitong kasapi ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms (NAMASUFA), kabilang ang isang buntis, ang nasugatan sa halos sabay-sabay na pagbuwag ng kanilang piketlayn ng Sumitomo Fruits Corp. (SUMIFRU) noong Oktubre 11. Sa loob ng 13 oras, sinalakay ng 300 gwardya, bayarang maton at eskirol ng kumpanya ang mga piketlayn sa SUMIFRU Packing Plant (PP) 370 sa mga barangay ng Pilar Babag, PP 98 at PP340 sa Osmeña, PP 92 sa Alegria, PP 90 sa Gabi, PP 99 sa San Miguel at PP115 sa Maparat, lahat sa Compostela, Compostela Valley.

Sinira ng mga sumalakay ang itinayong kubol, sinunog ang mga istruktura at pagkain at pinagbubugbog ang mga welgista. Habang isinasagawa ito, iligal namang pinasok ng mga sundalo ng 66th IB ang mga bahay ng mga manggagawa. Imbes na saklolohan, inaresto pa ng mga pulis ang dalawa sa mga manggagawa. Dahil sa kanilang paggigiit, agad ding pinalaya sina Jimboy Cagas at Ramil Monte.

Ayon kay John Paul Dizon, pangulo ng NAMASUFA, sinubukan muna ng militar at pulisya na pwersahang pasukin ang kanyang bahay na malapit sa piketlayn bago sinimulan ang pagbuwag.

Ang pagdedeploy ng mga dispersal team sa iba’t ibang piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa sa Sumifru ay naganap ilang araw matapos ibasura ng Compostela Valley Regional Trial Court 11 Branch 56 noong Oktubre 6 ang petisyon ng Sumifru para pigilan ang mga manggagawa sa pagharang sa paglabas at pagpasok ng mga produktong saging sa nasabing plantasyon.

Samantala, noong hapon ng Oktubre 18, marahas ding binuwag ng mga gwardya at pulisya ang itinatayong kampuhan sa harap ng DAR ng mga magsasakang mula sa Norzagaray at San Jose del Monte, Bulacan. Nagtayo ang naturang mga magsasaka ng isang pamilihan ng mga gulay na kanilang inani mula sa mga lupang kanilang binungkal at ipinaglalaban. Nagtungo rin ang mga magsasaka sa DAR upang makipagdayalogo sa pamunuan nito. Ngunit katatapos lamang ng dayalogo nang umatake ang mga gwardya at pulis upang buwagin ang kanilang itinayong mga kubol.

Panggigipit. Tuluy-tuloy na ginigipit at sinisiraan ng militar at kanilang mga bayarang troll sa internet sa mga aktibista sa Nueva Vizcaya, Isabela at Cagayan. Dalawampu’t anim na indibidwal ang pinangalanang “kasapi ng NPA” sa mga sulating ipinakalat ng 5th ID sa Tuguegarao City at Amulong, Cagayan.

Sa Ilocos, inakusahan ng mga troll ng AFP si Mary Ann Gabahan ng Ilocos Human Rights Alliance bilang “tagapagtangol ng NPA” at “kabit ng isang konsehal.”

Hindi rin nakaligtas sa panggigipit at paninira ang mga manunulat at istap ng Nordis, isang alternatibong mapagkukunan ng balita sa Northern Luzon.

AB (2018-10-21): 9 na magsasaka, minasaker sa Negros