Ang Bayan
September 21, 2018

Papanagutin ang malalaking mina — Kalikasan

Share and help us bring this article to more readers.

PINAPANAGOT NG GRUPONG Kalikasan at Cordillera People’s Alliance ang malalaking kumpanya sa mina sa naganap na mga pagguho ng lupa sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet habang nananalasa ang bagyong Ompong noong Setyembre 15 at sa Naga, Cebu noong Setyembre 20.

Sa pinakahuling mga ulat, umaabot na sa 69 patay at 43 nawawala matapos gumuho ang lupa mula sa abandonadong minahang open-pit ng Benguet Corporation sa Antapok. Bumagsak ang lupa sa komunidad ng maliitang mga minero na nasa baba ng mina sa Acupan at nagbaon sa kanilang mga bahay sa kasagsagan ng bagyo. Maling sisihin ang mga operasyon ng maliitang pagmimina bilang salarin ng pagguho ng lupa, ayon sa Kalikasan, dahil ang malalaking tunnel sa lugar ay mula pa sa mga operasyon ng dambuhalang kumpanya. Dagdag dito, nakakontrata sa kumpanya ang maliitang minero sa itinatag nitong Acupan Contract Mining Project. Ang Benguet Corporation ay pagmamay-ari ng pamilyang Romualdez.

Umaabot naman sa 52 ang patay at puu-puo ang nawawala sa Barangay Tinaan, Naga, Cebu nang gumuho ang lupa mula sa quarry site ng Apo Land and Quarry Corporation, isang kumpanyang nagsusuplay ng limestone sa Cemex Holding Philippines. Ang Cemex Holding ay isa sa mga pangunahing kumpanyang nagsusuplay ng semento sa programang Build-Build-Build ng rehimen. Nagmimina ng limestone ang naturang kumpanya para sa pagawaan nito ng semento.

AB (2018-09-21): Papanagutin ang malalaking mina — Kalikasan