Ang Bayan
September 21, 2018

Palparan, habambuhay na ikukulong

Share and help us bring this article to more readers.

HINATULAN NG HABAMBUHAY na pagkakakulong ang berdugong si Philippine Army Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan, kasama ang dalawa pang akusadong dating upisyal ng militar, ng Malolos Regional Trial Court noong Setyembre 17 kaugnay ng kaso ng pagdukot at pagkawala ng mga estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong Hunyo 2006.

Batay sa hatol na inilabas ni Judge Alexander Tamayo, walang-dudang maysala sina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado Jr., at S/Sgt. Edgardo Osorio sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng kaso nina Empeño at Cadapan. Ang isa pa sa mga akusado, si M/Sgt. Rizal Hilario, na kasalukuyan pa ring hinahanap, ay ipinag-utos na arestuhin. “Reclusion perpetua” o habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa mga hinatulan.

Higit 12 taon na mula nang dukutin ng mga elemento ng militar sina Empeño at Cadapan mula sa kanilang tinutuluyang bahay sa Hagonoy, Bulacan.

“Paunang tagumpay” ang tawag ng mga nanay nina Empeño at Cadapan sa hatol ng korte. Anila, kahit pa makulong si Palparan at kanyang mga kasabwat, hindi pa rin naililitaw ang kanilang mga anak, at napakarami pang kaso ng pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang-tao na sangkot ang berdugo na hindi pa nabibigyan ng hustisya.

Pinangangambahan din ni Concepcion Empeño, nanay ni Karen, at Erlinda Cadapan, nanay ni Sherlyn, na bigyan ng “pardon” ni Rodrigo Duterte si Palparan, ang paboritong heneral ni Gloria Arroyo, na ngayo’y tumatayong House Speaker at kaalyado ni Duterte.

Kilala si Palparan hindi lamang bilang berdugo, kundi nangungunang tagapagpatupad ng madugong Oplan Bantay Laya (OBL) 1 at 2 ng rehimeng Arroyo.

Saanman italaga si Palparan noon, nag-iiwan siya ng bakas ng dugo. Mula Mindoro, Eastern Visayas, at Central Luzon, walang ampat ang pagdanak ng dugo sa ilalim ng kanyang pamumuno. Bukod sa pagdukot kina Empeño at Cadapan, pinangunahan niya ang pagpatay sa lider-aktibistang si Eden Marcellana at lider-magsasakang si Eddie Gumanoy sa Mindoro noong 2003, kay UCCP Pastor Edison Lapuz at Atty. Fedelito Dacut sa Leyte noong 2005, at kay Supreme Bishop Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente sa Tarlac noong 2006.

Naglabas naman ng pahayag ang mga progresibong organisasyon bilang pakikiisa sa mga kapamilya at pagpapahigpit pa ng panawagang hustisya sa lahat ng paglabag sa karapatang-tao ng Armed Forces of the Philippines at upang panagutin ang utak ng OBL na si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang hatol kay Palparan ay nararapat magpatatag at magbigay-tapang sa sambayanang Pilipino na magpursige sa paggiit ng hustisya at pagtapos sa Oplan Kapayapaan, batas militar, at iba pang pasistang pakana ng rehimeng US-Duterte.

Nararapat na pasigabuhin ang paglaban sa nasabing mga pasista sa pamamagitan ng pagmomobilisa sa lahat ng rebolusyunaryong pwersa upang makamit ang hustisya.

AB (2018-09-21): Palparan, habambuhay na ikukulong