Ang Bayan
September 21, 2018

Armadong mga aksyon sa NCMR, Negros at Bicol

Share and help us bring this article to more readers.

SERYE NG MGA armadong aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Agusan del Norte. Noong Setyembre 18, alas-3:40 ng hapon, pinasabugan ng command detonated explosive ng BHB ang nag-ooperasyong mga tropa ng 23rd IB sa Barangay Lower Olave, Buenavista. Tatlo ang napatay at apat ang sugatan sa mga sundalo.

Nang araw ding iyon, alas-5:24 ng umaga, hinaras ng BHB ang mga pulis na nakaistasyon sa Barangay San Mateo, Butuan City. Sugatan ang isang pulis na si PO1 Ritchel Gulandreno.

Noong Setyembre 15, alas-2 ng hapon, nakasagupa ng BHB-Agusan del Norte ang nag-ooperasyong mga tropa ng 23rd IB sa Minpayaw Creek sa Sityo Bulak, Barangay Lower Olave, Buenavista. Dalawa ang naitalang napatay sa mga sundalo. Kinaumagahan, alas-3 ng hapon, muling nakasagupa ng BHB ang mga tropa ng 23rd IB sa parehong lugar. Dalawa rin ang nasawi sa mga sundalo.

Bukidnon. Hinaras ng BHB-Bukidnon ang nag-ooperasyong yunit ng AFP sa Purok 3, Barangay San Rafael, Talakag noong Setyembre 16. Isa ang kumpirmadong napatay at sampu ang sugatan sa mga sundalo.

Misamis Oriental. Hinaras ng BHB-Misamis Oriental ang detatsment ng 58th IB-CAFGU sa Palo, Barangay Minalwang, Claveria.

Southeast Negros. Isang punitibong aksyon ang inilunsad ng BHB-Southeast Negros sa ilalim ng Rachalle Mae Palang Command (RMPC) laban sa H.N., isang mapaminsalang opereytor ng quarry sa Sityo Major, Barangay Cawitan, Sta. Catalina noong Setyembre 15.

Dinisarmahan ng BHB ang mga gwardya at sinunog ang mga backhoe at payloader ng kumpanya na pagmamay-ari nina Hayney at Nestor Lim.

Ayon kay Ka Estrella Banagbanag, tagapagsalita ng RMPC, tugon ang naturang aksyon sa mga daing ng mamamayan. Sa pananaliksik ng RMPC, pitong residente na ng lugar ang namatay bunga ng paghuhukay ng H.N. sa Cawitan River.

Camarines Sur. Noong Setyembre 6, alas-12:30 ng madaling araw, hinaras ng BHB-West Camarines Sur ang detatsment ng 22nd IB-CAFGU sa Sityo Dinumpilan, Barangay Malinao, Libmanan. Isang myembro ng CAFGU ang napatay.

Noong Agosto 14, alas-6 ng umaga, patay si PFC Espiritu habang sugatan ang isang CAFGU sa pananambang ng BHB sa Barangay Cambalidio, Libmanan. Bago nito, hinaras ng mga Pulang mandirigma ang naturang detatsment noong Hulyo 27.

Noong Agosto 10 sa Barangay Veneracion, Pamplona, pinaputukan ng BHB ang mga armadong elemento ng Military Intelligence Company (MICO) sa ilalim ng 9th ID kasabay ang ilang dating Pulang mandirigma na sina “Boris” at dalawang iba pa. Isa sa grupo ang napatay. Responsable ang grupo sa pagpatay sa mag-amang Danilo Abunin Sr. at Danilo Abunin Jr. noong Agosto 26, alas-5 ng umaga, sa naturang barangay.

Sa parehong barangay noong Hulyo 20, alas 10:00 ng umaga, napatay sa pananambang ng BHB si PFC Jhony Franco habang nakamotorsiklo. Si Franco ay myembro ng MICO. Nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 na pistola, magasin at mga dokumentong paniktik.

Sorsogon. Pinaputukan ng BHB-Sorsogon ang detatsment ng Alpha Coy 31st IB sa Barangay Casay, Casiguran noong Agosto 28, bandang alas-8 ng gabi. Isang oras bago nito, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang kampo ng 22nd IB-CAFGU sa Sityo Bungsaran, Barangay Rizal, Gubat.

Noong Setyembre 2, alas-2 ng hapon, pinaputukan ng BHB ang isang kumpanya ng 31st IB na nag-ooperasyon sa Sityo Lokot, Barangay Sta. Cruz, Barcelona.

AB (2018-09-21): Armadong mga aksyon sa NCMR, Negros at Bicol