Ang Bayan
July 21, 2018

‘Malabnaw’ na bersyon ng BBL, binatikos

Share and help us bring this article to more readers.

KABI-KABILANG PROTESTA ang sumalubong sa pagpupulong ng bicameral conference committee (bicam) na binubuo ng mga kinatawan ng Mababang Kapulungan at ng Senado para pagsamahin ang kanilang mga bersyon ng Bangsamoro Basic Law nitong nagdaang mga araw.
Pormal nang ipinasa ng bicam ang nasabing batas, na pinangalanang “Bangsamoro Organic Law” nitong Hulyo 18, matapos ang anim na araw ng mga pagdinig. Inaasahan ng mga mambabatas na lalagdaan ni Rodrigo Duterte ang batas sa Hulyo 23 bago siya sumalang sa kanyang ikatlong State of the Nation Address.
Inulan ng protesta ng mga grupong Moro ang pagdinig ng bicam sa nasabing panukala. Ilang grupo ang sumugod sa mismong pinagdausan ng pulong ng bicam, samantalang libu-libo naman ang nagtipon sa ilang lungsod sa Mindanao upang ipanawagang ipasa ang orihinal na bersyon ng Bangsamoro Transition Council. Pinakamalaki rito ang isinagawang rali sa Cotabato City noong Hulyo 6 na nilahukan ng mahigit 10,000 Moro.
Pinangangambahan nilang “malabnaw” ang bersyon na ipapasa ng Kongreso dahil maaaring bawasan ng mga mambabatas ang teritoryong sakop ng Bangsamoro, pati ang kapangyarihan ng pamahalaan ng Bangsamoro hinggil sa mga sakop nitong katubigan, kabilang ang Lanao Lake at kapangyarihan nito sa pamamalakad sa paglikha ng enerhiya.

AB (2018-07-21): ‘Malabnaw’ na bersyon ng BBL, binatikos